Powered By Blogger

Friday, 6 January 2012

BINTANA..........


"Tay, gutom na gutom na po ako!" 

Ito ang madalas na maririnig sa tahanan ng pamilya Roces sa isang maliit na barong-barong sa dulo ng Kalye Mahangin Brgy Sta Cruz, Manila.... Hiyaw na bumabasag sa pandinig ng kanilang amang si Luis. 

"Tahan na mga anak, si Itay ang bahala",

Ang malambing nyang sagot sa batang Si Nene. May kapayatan si Nene, apat na taong gulang...pang-apat sa limang anak nilang mag-asawa.. Makikita si Aling Puring sa may bintana ng barong-barong... Nakatanaw sa malayo.... War'i inaalala ang matatamis na nakaraan nila ni Luis.

Labinlimang taon na ang nakalipas.. Sa labas ng Unibersidad na pinapasukan ni Puring, makikita ang isang lalaking may tikas ang tindig,maganda ang pangangatawan...Matangos ang ilong at manipis ang labi na laging nakangiti sa sinumang babati... nakatayo sa may harap ng tindahan. Alas-dos ng hapon, may usapan sila ni Luis na susunduin sya upang mamasyal sa mall. May bagong bukas daw na shop at gusto nilang makita kung anong pinagkakaguluhan doon ng mga kabataan...

"Pssst, liliban ka na naman sa klase Puring?! Tanong ng kaklase nya... Ilang beses ka ng aabsent sa class ah! Naku! Ewan ko sayo!"

Ngunit wari'y bingi na sya sa mga sinasabi ng mga tao... Mahal nya si Luis... At kahit pa sabihing tambay lang ito at paminsan-minsa'y pumapasada ng tricycle, di nya maipagkakailang mahal nya ito!

Pak! Ang umaalingawngaw na tunog na maririnig sa bahay nina Puring, susundan ng hagulgol at palahaw ng iyak ng kanyang Ina. "Bakit anak??! Saan kami nagkulang? Binigay naman namin sayo ang lahat. Bakit nangyari ito?" Magkahawak-kamay sila ni Luis na nakaupo sa sofa ng may karangyaan nilang bahay.... Tahimik, impit na hikbi at buntong-hininga lang ang maririnig sa kanya... Umiikot ang paligid nya nun, parang babaliktad ang sikmura nya. Hanggang marinig nya ang mahinang tugon ni Luis. "Ako pong bahala sa kanya, Bubuhayin ko po sila at ang magiging anak ko".

"Gago!!!" Sigaw ng ama nyang nasa dapithapon na ang buhay, "Anong ipapakain mo sa anak ko!!! Eh ni sarili mong sigarilyo inuutang mo pa sa kanto?!"

Bubukas ang pinid ng pinto at iluluwa ang dalawang kaluluwang hindi alam kung saan tutungo.... Dalawang buwan na pala ang sinapupunan nya. "Saan tayo ngayun nito pupunta?!" Tanong nya kay Luis. "May kakilala ako sa Sta.Cruz, baka maari tayong makituloy..."

Lumipas ang mga taon... Kain, tulog, iyak, hikbi, gutom, lamig... Paulit-ulit nilang nararanasang pamilya... Magkahawak-kamay silang hinarap ang mga problema.... Kahit halos buto't balat na ang lima nilang anak.... Di sila nakakalimot sa pangako sa isa't-isa...Ang magsama habambuhay... Ngunit sa twing nakikita nya ang mga anak nyang walang makain, "GUTOM" lamang ang estado ng buhay na alam nilang maramdaman....... Gusto nyang magsisi....Gusto nyang ibalik ang lahat... Magsimula sa una, mag-plano at magsimulang muli... Gawin ang mga pangaral ng Ina at Ama nya... Ngunit huli na ang lahat.......... Huli na. Unti-unti ay humina ang mga iyak...humina ng humina ang mga sigaw...hanggang wala na syang marinig....Nakikita na lamang nya ang maaliwalas na ulap sa itaas.... Tila nangangako ng bagong bukas....

Nag-iiyakan ang limang bata...Hindi sila magkamayaw sa pait ng sikmura na nararamdaman... Waaaah......... Iyak ng maliit na sanggol na nasa duyan pang gawa sa kumot.... Darating ang asawang walang dalang SUPOT. Yun ang lagi nilang inaabangang mag-iina ang maliit na supot ng pagkain na galing sa mga pinaghingian sa Karinderyang pinagtatrabahuhan nito... Taga-linis doon ang padre de pamilya... Ngunit ilang gabi ng walang supot... Yun pala ay natanggal sa trabaho si Luis, dahil sa nahuli sya ng amo nyang babae na nagpupuslit ng ilang kilong bigas. Ngayun ay pagala-gala si Luis, naghahanap ng mapapasukang muli... Mabigat ang mga paang uuwi sa barong-barong na walang dalang supot o kahit ano...Malayo pa ay dinig na nya ang iyakan ng mga paslit... 

Natanaw nya ang misis nyang nakadungaw lamang sa bintana.... Walang kilos, walang kibo... wari'y malalim ang iniisip....

Tinakbo nya ang sanggol na nasa duyan, halos namumula at maitim na ito sa kakaiyak na yata maghapon... bitbit ang sanggol na lalapitan nya si Nene...Pilit na aamuin... Habang ang misis nya'y dahan-dahang humakbang palabas ng barong-barong... Tinawag nya ito ngunit tila hindi sya naririnig.... 

"Tay, gutom na gutom na po ako!"  Sigaw ni Nene.... 

Linggo ng umaga, sa Baclaran, Isang matandang babae ang maririnig sa sumisigaw... "MAGNANAKAW! MAGNANAKAW!" 

Sa gitna ng nagkakagulong miron, matatanaw ang isang lalaking may dala-dalang bag... Kumakaripas ng takbo.... Nagnanais na dalhin sya ng hangin upang makalipad mula sa lugar na iyon.... Makalayo... Makaiwas sa mga humahabol sa kanya....

(Salamat naman.........Buti na lang at may maiuuwi ako sa mga anak ko.... Hahaha! Ilang araw ng nawawala ang nanay nila...Buti at meron akong maibibiling pagkain ngayun.)